Pinaalalahanan ng Department of Energy (DOE) ang publiko na magtipid sa pagkonsumo ng kuryente ngayong pagsisimula ng panahon ng tag-init sa bansa.
Sa isang statement, hinimok ng ahensiya ang publiko na iwasan o i-reschedule ang mga aktibidad na makonsumo sa kuryente kapag peak hours, mula alas-11 ng umaga hanggang alas-3 ng hapon sa weekdays at alas-6 ng gabi hanggang alas-9 ng gabi sa weekends sa Luzon area at mula alas-11 ng umaga hanggang alas-3 ng hapon at mula alas-6 ng gabi hanggang alas-9 ng gabi sa Visayas at Mindanao.
Sa mga oras na ito kasi, pinakamaraming gumagamit ng kuryente ayon sa DOE kayat ang pag-shift ng mga gawaing makonsumo sa kuryente ay makakatulong na maibsan na mapuwersa ang grid at maiwasan ang power shutdown.
Ayon kay Energy Secretary Rapahel Lotilla, kapag summer months na, mas mataas ang demand sa kuryente, na karaniwang bunsod ng madalas na paggamit ng cooling appliances gaya ng air conditioners, electric fans at refrigerators, na maaaring makapag-strain sa power grid na posibleng humantong sa problema sa suplay at pagbaba-taas ng presyo sa spot market.
Base sa demand forecast ngayong taon, tinataya ng DOE na mag-peak ang demand sa 14,769 megawatt (MW) sa Luzon, 3,111 MW para sa Visayas, at 2,789 MW para sa Mindanao.
Samantala, inaasahan naman ng DOE na mapapahupa ng inaasahang La Niña at mga pag-ulan ang mainit na panahon sa bansa.