Inihayag ng Department of Energy (DOE) na pinag-aaralan pa nito ang panukalang magtayo ng 500-megawatt power plant na maaaring mapagkuhanan ng gobyerno sa panahon ng kakulangan ng kuryente.
Iminungkahi ni dating Energy Secretary Jericho Petilla na ang power plant na ito ay maaaring gamitin sa panahon ng red o yellow alert dahil sa manipis na reserbang kuryente sa ating bansa.
Ngunit para kay Energy Assistant Secretary Mario Marasigan, ang Electric Power Industry Reform Act (EPIRA) ay hindi nagbibigay ng karapatan sa gobyerno na magtayo ng mga bagong power plant.
Ayon kay Marasigan, dapat raw na mga private sector ang magtayo ng mga planta lalo na bilang komersiyo.
Gayunpaman, sinabi ng opisyal na handa silang umapela sa Kongreso na amyendahan ang naturang panukalang batas.
Nauna nang sinabi ni Energy Secretary Raphael Lotilla na walang pribadong investor ang maglalagay ng power plant kung wala silang tiwala sa ekonomiya, at wala silang firm, kontrata mula sa mga utility o kooperatiba.
Nanawagan din si Lotilla sa publiko na gumamit ng enerhiya nang mas mahusay habang ang Luzon ay nahaharap sa posibilidad ng manipis na reserbang kuryente na maaaring maglubog sa Metro Manila upang makaranas blackout.