-- Advertisements --

Pinawi ng Department of Energy (DOE) ang pangamba ng publiko hinggil sa posibleng pagkakaroon ng rotating brownout sa Luzon sa mismong araw ng eleksyon.

Kumpyansa si DOE Undersecretary Wimpy Fuentebella, ang chairperson ng Energy Task Force Election (ETFE), na walang magaganap na power outages sa panahon ng halalan.

Ngunit nilinaw niya na sa kabila nito ay dapat pa ring maging handa ang bawat isa sa lahat ng mga posibleng senaryong mangyari.

Samantala, ipinahayag naman ni Electric Power Industry Management Bureau Director Mario Marasigan na batay sa resultang kanilang nakalap mula sa isinagawang simulation, inaaasahan na magkakaroon ng anim na yellow alerts sa Luzon grid sa huling dalawang linggo ng buwan ng Abril, at mula sa pagtatapos ng Mayo hanggang sa unang tatlong linggo ng Hunyo.

Ibig sabihin nito, isang linggo bago at pagkatapos ng panahon ng eleksyon ay nagkataong hindi kabilang sa yellow alert o inaasahang pagnipis sa supply ng kuryente.

Ayon kay Marasigan, sa Visayas ang may pinakamalalang projections ang kanilang naitala dahil sa kasagsagan ng panahon ng halalan inaasahan na magkakaroon ng yellow alert dito, habang wala naman nakikitang problema sa Mindanao.

Magugunita na una rito ay nanindigan pa rin ang Institute for Climate and Sustainable Cities (ICSC) na magkakaroon ng mahigpit na supply ng kuryente sa Luzon sa ikalawang bahagi ng taon ito, kabilang na sa mismong araw ng eleksyon at bilangan ng boto.

Ang manipis na reserba raw kasi sa kuryente mula sa ikatlong linggo ng Abril hanggang sa huling linggo ng Mayo ay maaaring maging sanhi ng yellow at red alerts, na pagmumulan naman ng rotating brownout.

Ngunit tiniyak naman ni Fuentebella na tatagal ng hanggang 14 oras ang battery life ng mga vote counting machines at may mga naka-standby din na ganito sa mga regional hub ng Comelec sakaling mawalan man ng kuryente sa mga voting precint sa mismong araw ng botohan.