-- Advertisements --

Pormal na ring hiniling ng Department of Energy (DOE) sa Kongreso na amyendahan ang kontrobersiyal na Oil Deregulation Law sa gitna na rin ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo.

Sa sulat na ipinarating DOE sa mga chairman ng Senate at House Committee on Energy, kanilang hinihiling na bigyan ang kanilang ahensiya ng otoridad upang atasan ang mga oil compnaies para sa tinatawag na “unbundling” ng presyo ng mga petroleum retail products.

Layon nito na madetermina ang tunay na presyuhan o passed-on costs na ipinapasa naman sa mga kunsumidores.

Nangangamba ang DOE na ang walang humpay na oil price hike ay magpapatuloy hanggang sa unang bahagi ng susunod na taon.

Tinukoy din ng DOE ang ilang kadahilanan kung bakit napakataas ng demand ng gasolina at krudo.

Kabilang na aniya ang pag-stock ng petroleum products dahil sa papasok na winter season sa ilang mga bansa, mabagal na produksyon ng enerhiya, umiiral na international sanctions sa ilang oil producing countries tulad ng bansang Iran at Venezuela, gayundin ang pananalasa kamakailan ng malalakas na bagyo sa US Gulf coast.

Upang maibsan ang epekto sa bansa ng oil price increase, pinulong na rin ng Department of Energy ang mga oil industry stakeholders upang masiguro ang suplay ng langis.

Batay sa datos sinasabing ang Pilipinas ay kumukunsumo ng 425,000 barrels kada araw, na katumbas naman ng 0.4% ng world supply.