Pinawi ng Department of Energy ang pangamba ng publiko na baka magkaroon ng power interruption sa araw ng halalan sa Lunes.
Ayon kay Energy Secretary Raphael P.M. Lotilla, walang magiging power interruption dahil sapat pa ang supply ng kuryente.
Siniguro rin aniya ng kanilang ahensya na meron silang mga inihandang hakbang sakaling magkaroon ng aberya sa pagdaraos ng botohan at bilangan ng mga boto sa Lunes.
Sa ngayon ay naka yellow alert ang Luzon, inatasan na ng ahensya ang kanilang Energy Task Force Election upang makipag-ugnayan sa mga generating company at National Grid Corporation upang matiyak na handa ang mga generating units.
Ito ay naglalayong makamit ang kinakailangang demand at reserbang supply sa araw ng halalan.
Samantala, ipinagbabawal rin ng ahensya ang preventive maintenance at testing ng generating units isang linggo bago at pagkatapos ng BSKE.
Batay sa datos ng ahensya, umaabot sa 12,257 MW ang forecast demand ng kuryente next week habang 10,500 MW hanggang 11,500 MW lamang ang kasalukuyang demand ng kuryente sa Luzon.