Sinusuri na ng pamahalaan ang iba’t-ibang lugar sa buong bansa para sa posibleng pagtatayuan ng planta ng nuclear power.
Kabilang sa mga inisyal na tinitingnan ay ang probinsya ng Bulacan, Palawan, atbpa.
Ayon kay Department of Energy (DOE) Undersecretary Sharon Garin, nakapagsagawa na ang ahensiya ng mga serye ng assessment sa ilang lugar sa mga bayan ng Morong at Mariveles, Bataan.
Nagkaroon na rin ng inisyal na assessment sa Bulacan at Palawan, habang nagpapatuloy din ang pagsusuri sa iba pang mga lugar sa buong bansa tulad ng Masbate.
Bagaman ang mga naturang lugar ay pawang ‘crowded’ o may mataas na populasyon, malaki aniya ang potensyal ng mga ito bilang data center sites, batay na rin sa inisyal na assessment.
Sa Visayas at Mindanao, nagsasagawa rin ng assessment ang DOE sa mga probinsyang matatagpuan sa kanlurang bahagi ng mga ito, na malayo sa posibleng banta ng tsunamin.
Marami sa mga nasuring lugar ay kwalipikadong pagtayuan ng mga nuclear power plant, kung saan ang mga ito ay pawang pumasa sa ilang salik na ikinukunsidera tulad ng malayo sa mga fault line, malayo sa mga bulkan, atbpa.
Gayunpaman, hindi na muna naglabas ang naturang opisyal ng karagdagang impormasyon dahil sa posibleng mabahala ang publiko.
Sa kasalukuyan, wala pa aniyang pinal na desisyon dito ang gobiyerno ngunit patuloy ang ginagawang pag-aaral sa pangunguna ng mga eksperto.