-- Advertisements --

Muling iginiit ng Department of Energy (DOE) na sapat ang supply ng langis sa bansa.

Sinabi ni DOE Unsercretary Gerardo Erguiza, walang problema sa supply nito sa bansa at sapat pa para sa mahigit 40 araw ang nasa kanilang inventory nito.

Aniya, hindi supply kundi presyo ang problemang kinakaharap ng bansa ngayon.

Sa kabila kasi ng madaming supply ng langis sa bansa ay patuloy pa rin ang pagtaas ng presyo nito sa merkado.

Dahilan ng kanyang muling panawagan sa pamahalaan na repasuhin ang mga probisyon ng Republic Act 8479, o ang Downstream Oil Industry Deregulation Act of 1998 upang mabigyan aniya ang gobyerno ng “intervention powers” ngayong sunud-sunod ang nangyayaring taas-presyo sa gasolina sa gitna ng krisis ngayon sa pagitan ng Russia at Ukraine.

Tinatanggal kasi ng naturang batas ang kontrol ng pamahalaan pagdating sa produktong petrolyo para maging mas mapagkumpitensya pa ang mga kumpanya ng langis sa kanilang pagdating sa kanilang supply at pagpepresyo ng mga produktong petrolyo.