Tiniyak ng Department of Energy (DOE) sa publiko na sasapat ang suplay ng kuryente ngayong paparating na eleksyon.
Ito ay sa gitna ng naging babala ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) na posibleng magkaroon ng pagnipis sa suplay ng kuryente ngayong panahon ng tag-init.
Sinabi ni DOE Director of Electric Power Industry Management Bureau Mario Marasigan na sa ngayon ay wala pa aniya silang nakikitang alalahanin na maaaring makaaapekto sa supply ng kuryente sa bansa lalo na ngayong summer at isinasagawang paghahanda ng bansa sa darating na eleksyon.
Ngunit pag-amin niya na sa kabila nito ay hindi pa rin aniya maiiwasan ang pagkakaroon ng uncontrollable situation kung kaya’t ginagawa na aniya ng ahensya ang lahat upang malaman kung paano mabibigyan ng solusyon ang isang problema.
Sa katunayan ay patuloy din aniya silang nakikipag-ugnayan sa NGCP, Energy Regulatory Commission at iba pang mga ahensya ng gobyerno upang masiguro na magpapatuloy at maaasahan ng lahat ang sapat na suplay ng kuryente sa Pilipinas.
Sinabi pa ng opisyal na sinimulan na rin ng kagawaran ang pagpapakilos sa kanilang energy task force on election alinsunod sa inilabas na department circular noong taong 2018 kung saan nakasaad ang lahat ng ipinatutupad na protocols, at sinu-sino ang mga coordinating party upang mahigpit na mabantayan ang scenario na posibleng mangyare sa darating na eleksyon kung kaya’t hindi aniya nila nakikita na magkakaroon ng issue dito kung ang tanging pinag-uusapan lamang ay ang suplay ng kuryente.
Binigyang diin din niya na nasa batas na hindi papayagan ang kahit na anong planta ng kuryente na magsagawa ng maintenance sa kasagsagan ng peak period ng summer o sa mga buwan ng Abril, Mayo, at Hunyo maliban na lamang aniya sa mga hydropower plant dahil sa kakulangan ng tubig dito tuwing panahon ng tag-init.
Dahil dito ay tinataya aniya ng kagawaran na kung hindi magkakaroon ng maintenance o outages ang lahat ng planta na hindi gumagamit ng tubig ay walang magiging problema sa supply ng kuryente sa bansa.
Sa kabilang banda naman ay ipinaliwanag ni Marasigan na ang teknikal na terminong “manipis na suplay ng kuryente” na ginagamit ng NGCP ay pumapatungkol sa availability ng mga reserbang kuryente kung sakaling may mamatay o magka-aberyang planta nito.