-- Advertisements --

Sinisi ni Foreign Affairs Sec. Teodoro Locsin Jr. ang isang “assistant” mula Department of Finance (DOF) sa pagkakaantala nang pagbalik ng 69 na containers ng basura patungong Canada.

Ito ay matapos sabihin ng DPF na ang May 15 deadline na itinakda ni Pangulong Rodrigo Duterte na schedule sa shipment ng mga basurang ito pabalik ng Canada ay posibleng hindi masunod dahil sa bureaucratic red tape sa hanay ng Canadian government.

Pero nanindigan si Locsin na masusunod ang itinakdang deadline lalo pa at nagsusumikap aniya ang dalawang bansa para maisakatuparan sa lalong madaling panahon.

Nauna nang sinabi ni Customs Commissioner Rey Leonardo Guerrero na sa kabila ng pagpupursige ng Pilipinas na maibalik ang mga basurang ito sa Canada, kabaliktaran naman aniya ang ipinapakita ng Canadian government.

Sa isang Twitter post, sinabi ni Locsin na hindi ang Canadian government ang dapat na sisihin kundi ang isang DOF assistant na inaantala ang shipment.

Gayunman, tumanggi si Locsin na pangalanan ang tinutukoy nitong DOF assistant.