-- Advertisements --

Balak ng Department of Finance (DOF) at Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na bumuo ng isang komite na babalangkas ng road map para makuha ng pamahalaan ang inaasam na single A credit rating.

Ginawa ni BSP Deputy Governor Diwa Guinigundo ang pahayag kasunod ng pag-akyat ng credit rating ng bansa sa BBB+ mula sa BBB.

Ang credit rating ay tumutukoy sa kakayahan ng isang bansang pangasiwaan at bayaran ang kanilang mga utang.

Sinabi ni Guinigundo, ang hangaring ito ay tatawaging “The Road to A” kung saan dapat ma-credit sa A rating ang mga pagsisikap ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno sa pamamagitan ng pagtugon sa mga usaping una nang binanggit ng S&P Global.

Ayon kay Guinigundo, kagaya nito ang pagpapanatiling matatag ang mga presyo ng pangunahing bilihin, pag-aangat ng governance standard ng Pilipinas, pagpapataas ng capital income at iba pa.

Inihayag naman ni Finance Sec. Sonny Dominguez na hindi ito malayong mangyari dahil naging maganda naman ang ekonomiya ng bansa sa 1st quarter ng 2019.