Posible umanong hindi masunod ang palugit na ibinigay para maibalik sa Canada ang tone-toneladang basura na itinambak sa Pilipinas anim na taon na ang nakalilipas.
Una nang sinabi ni Foreign Affairs Sec. Teodoro Locsin Jr., ililipad na ang sangkaterbang mga basura sa darating na Mayo 15.
Ayon sa Department of Finance (DOF), batay sa report ni Customs Commissioner Rey Leonardo Guerrero kay Finance Sec. Carlos Dominguez, bagama’t handa na ang Pilipinas na i-reexport ang mga 69 containers na may lamang basura, nag-abiso raw ang Canadian government na aabutin daw ng ilang linggo bago nila maisaayos ang kaukulang mga dokumento para sa pagpapabalik ng mga basura.
“However, despite the Philippine government’s readiness to reexport the wastes, the Canadian government informed that it might take weeks for them to arrange the necessary documents from their end and that they might not meet the May 15 deadline,” ani Guerrero base sa report.
Sa kabila nito, sinabi ng kagawaran na committed pa rin ang pamahalaan ng Canada na bawiin ang mga shipments kung saan sila pa raw ang gagastos sa paghakot ng mga basura.
Nitong nakaraang linggo nang magbanta si Pangulong Rodrigo Duterte na itatapon ang mga basura sa magagandang mga beaches ng Canada sakaling hindi nito tanggapin ang mga ito.