Dumipensa ang Department of Finance (DOF) sa naging direktiba nito sa Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) na i-remit ang hindi nagamit na subsidiya na nagkakahalaga ng P89.9 billion sa Bureau of Treasury (BTr).
Ayon sa ahensiya, mas mainam na gamitin ang mga labis na pondo ng state-run corporations para sa gobyerno kesa mangutang.
Sinabi din ni Finance Sec. Ralph Recto na hindi kaya ng pamahalaan na hayaan na lamang ang government-owned and controlled corporations (GOCCs) na mayroong sobrang pera o pondo na matiwangwang lang na maaari pa aniyang magamit para sa public investment.
Sa pamamagitan din aniya nito hindi na kailangan pang magpataw ng gobyerno ng karagdagang buwis, taasan ang ating pagkakautang gayundin ang deficit ng bansa.
Ipinaliwanag din ng kalihim na hindi makakaapekto ang naturang hakbang sa viability ng PhilHealth o hindi makakasira sa paghahatid ng mga serbisyo.
Nanindigan din ang opisyal na ang naturang hakbang ay alinsunod sa lahat ng batas parikular na ng General Appropriations Act of 2024 na naglalaan ng appropriations sa labis na orihinal na ipinanukala ng executive branch.
Ginawa ng Finance chief ang pahayag sa gitna ng pagsusulong ng health advocates at budget watchdogs para imbestigahan ang naturang direktiba ng DOF.