Inihayag ng Department of Finance na hindi aasa ang gobyerno sa pagpapataw ng mga bagong buwis para maabot ang target nitong kita para sa taong kasalukuyan.
Sa halip ay tututukan ang pagpapabuti ng collection efficiency ng Bureau of Internal Revenue (BIR) at Bureau of Customs (BOC).
Kinilala ni Finance Secretary Ralph Recto na ang pagbuo ng target na kita na P4.3 trilyon para sa taong ito ay hindi aniya isang “lakad sa parke.”
Ang bulto ng kita sa buwis na nagkakahalaga ng P3.05 trilyon ay bubuoin ng BIR, habang ang BOC ay inaasahang makakolekta ng halos P1 trilyon.
Halos P300 bilyon, ay manggagaling sa Bureau of the Treasury.
Sinabi ni Recto na habang sinusuportahan niya ang ilan sa mga reporma sa buwis na naunang iminungkahi ni dating Finance Secretary Benjamin Diokno, kasalukuyang pinag-aaralan ng DOF ang ilan sa mga panukalang ito.
Aniya, ang ilan sa mga ito ay kailangang masusing himayin dahil nananatiling mataas ang inflationary environment ng bansa.