-- Advertisements --

Nilinaw ni Finance Sec. Carlos Dominguez III na hindi nalulunod ang Pilipinas sa halaga ng inutang nito sa China.

Ayon kay Dominguez, ang utang sa China ay tinatayang isang porsiyento lamang daw ng kabuuang utang ng Pilipinas sa iba’t ibang bansa.

Tiniyak nito ang publiko na parehas lamang ang standards na pinaiiral nila sa China katulad ng iba pang loans ng Pilipinas.

Bukod sa mahigpit ang proseso na kanilang sinusunod, matindi rin aniya ang negosasyon ng Pilipinas na ginagawa sa China para sa terms sa tuwing uutang ng malaking halaga ng pera rito.

Nabatid na dahil sa matinding pag-uutang ng pamahalaan, ang kabuuang utang na sa ngayon ng bansa ay P7.293 trillion noong 2018.

Pero ayon kay Dominguez, “manageable” pa rin naman daw ang mga ito lalo pa at bumaba naman ang debt-to-GDP ratio ng Pilipinas.

Noong Arroyo administration, ang ratio raw ay nasa 75 percent.

Bumaba ito sa nasa 55 percent noong Aquino administration.

At sa kasalukuyan, 41.5 percent na lamang ito.

Lalo pa raw itong bababa sa 38.5 percent ng GDP pagsapit ng taong 2022.