Ibinahagi ni Department of Trade and Industry Undersecretary Mary Jean Pacheco na sa loob ng 3-year action plan na inirepresenta nila kay Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr., kabilang dito ang plano nilang magtayo ng National Food Hub sa Clark Airport, isang 60-hectare Hub sa loob ng CIAC Complex.
Ayon sa ahensya, aprubado na ng Department of Finance ang paggawa ng feasibility study sa National Food Hub. At sa naturang proyekto, ipinaliwanag ni Pacheco na imbes na pumasok ang mga truck na nagdadala ng pagkain dito sa Manila, lahat ito ay didiretso na sa Food hub, at layunin nito na maging accessible ang pagkain, mapagaan ang presyo kasabay din ng paggaan ng trapiko.
Samantala, maliban pa rito, ayon kay Pacheco, kabilang sa mga hakbang ng gobyerno para mabawasan ang presyo ng mga pagkain, naglunsad si Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos ng EO31, s.2023 kung saan ipinagbabawal na ang pagkolekta ng Pass-through Fees sa National Road at hinihimok ang mga Local Government Units na itigil na ang paniningil sa mga truck na may kargang pagkain.
Sa ngayon ayon sa DTI, 17 Local Government Units na ang itinigil na ang pangongolekta ng pass-though fees.
Paliwanag ng ahensya, 5.5% kase sa presyo ng canned sardines ay binubuo ng transport at logistics cost.
Sa baboy naman, 3-5% sa kabuoan ng retail price nito sa kada baboy ay dahil din sa transport cost kaya malaking bagay para mapagaan ang presyo ng mga pagkain ay ang pagbabawal nito.