Nagbabala ang Department of Finance (DOF) sa publiko laban sa mga nagbebenta ng pekeng sigarilyo.
Ito’y matapos madiskubre ang panibagong modus ng ilang tobacco traders para ma-exempt sa pagbabayad ng tobacco tax.
Sa pagpupulong ng Finance Executive Committee, ibinunyag ng mga opisyal ng Bureau of Internal Revenue (BIR) na may mga mangangalakal ng tobacco ang bumibili ng gamit na tax stamps mula sa mga sigarilyo kapalit ng ilang produkto.
Ginagamit daw ang mga ito para ilagay sa packaging ng mga iligal na sigarilyo.
Dahil dito, agad inatasan ni Finance Sec. Carlos Dominguez ang BIR na makipag-ugnayan sa Department of Trade and Industry (DTI) hinggil sa sinasabing promotional scheme.
Nais din ng kalihim na magkaroon ng crackdown laban sa mga pekeng sigarilyo.
Sa ngayon wala pa ring tugon si DTI Sec. Ramon Lopez ukol sa issue.
Ayon naman kay BIR commissioner Caesar Dulay, nakatakda niyang pulungin ang mga opisyal mula sa tobacco companies para tuluyang masugpo ang lumutang na panibagong modus.