Pinasalamatan ni Senate Minority Leader Franklin Drilon ang Department of Finance (DOF) dahil sa agarang pagtugon ng ahensya sa kaniyang naging expose tungkol sa Philippine International Trading Corporation (PITC).
May kaugnayan ito sa ibinunyag na impormasyon ng senador tungkol sa itinatagong P33.3 billion na pondo ng PITC mula sa fund transfers ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno. Kasama na rito ang mahigit P7 billion na halaga ng mga undelivered items sa Philippine Army tulad ng coats, ties, jackets, boots at mga gulong.
Dahil dito ay inirekomenda na ng DOF at Department of Budget and Management (DBM) kay Pangulong Rodrigo Duterte na maglabas ng direktiba para kaagad maibalik ang natutulog lamang na pondo at magamit ito ng gobyerno.
Personal na tinawagan ni Department of Finance Secretary Carlos Dominguez III si Drilon para ipaalam na nakarating na sa kaniya ang isiniwalat ng nasabing senador.
Sa sulat naman na pinadala ni Dominguez kay DBM Secretary Wendel Avisado noong Nobyembre 25, hiniling nito sa naturang ahensya na i-endorse kay Pangulong Duterte na ibalik sa national treasury ang milyon-milyong halaga ng pondo.
Ayon kay Drilon, dapat ay kumilos agad ang pamahalaan para ibalik ang pera lalo na’t namomroblema ito kung saan kukuha ng pondo sa pagbili ng coronavirus vaccines.
As of October 31, 2020 ay aabot pa ng P32.6 billion ang natitirang pondo sa PITC, ito ay mula sa Philippine Army, P7.04 billion; Bureau of Fire Protection, P3.25 billion; Department of Information and Communication Technology, P3.23 billion; Technical Education and Skills Development Authority, P3.04 billion; Bureau of Customs, P2.44 billion; Department of Health, P2.11 billion; Philippine Navy, P1.74 billion; University of the Philippines Systems, P1.47 billion; Research Institute of Tropical Medicine, P1.16 billion; and Philippine General Hospital, P991.24 million.