Tutol ang Department of Finance (DOF) sa mungkahi na pansamantalang suspendihin ang excise tax sa mga produktong petrolyo sa harap nang tuloy-tuloy pa ring pagsirit ng presyo ng mga ito.
Sa Laging Handa briefing, sinabi ni DOF spokesperson Asec. Paola Alvarez na malaki ang mawawala sa kaban ng bayan kapag ginawa ang proposal na ito.
Mababatid na isa ang pansamantalang pagsuspinde sa excise tax sa langis sa mga inirerekomenda ng Fuel Crisis Ad Hoc Committee ng Kamara dahil sa nararanasang problema sa pagsirit ng presyo ng mga produktong petrolyo.
Sinabi ni Alvarez na ang proposal na lamang ng DOF ay magbigay ang pamahalaan ng targeted support sa mga mahihirap na nangangailangan talaga ng ayuda.
Huwebes noong nakaraang linggo nang mailabas na ng Department of Budget and Management (DBM) ang kabuuang P3 billion para matulungan ang mga public utility vehicle drivers, mga magsasaka at mangingisda sa kanilang pasanin sa panahon ngayon.
Ayon sa DBM, ang initial budget na P2.5 billion para sa fuel subsidy ng mga PUV drivers ay nasa Department of Tranposrtation na, habang ang P500 million naman ay nasa Department of Agriculture.