-- Advertisements --

Plano ng Department of Health (DOH) na isailalim sa COVID-19 test ang nasa 1.65 milyong katao sa Pilipinas bago matapos ang buwan ng Hulyo.

Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire sa isinagawang briefing sa Malacanang, kaya nang magsagawa ng halos 50,000 test ang 59 operational testing laboratories sa bansa.

Subalit nilinaw nito na iba ang daily testing capacity na nagagawa ng mga laboratoryo dahil sa hindi maiiwasang operational issues.

Ipinagmalaki rin ng kalahim na nasa 10,500 hanggang 11,000 ang nagagawang test kada araw at inaasahan din ng ahensya na pagdating ng Hulyo ay kaya na nitong suriin ang 1.5% ng populasyon.

As of June 13, nasa 468,681 na ang mga indibidwal na isinailalim sa COVID-19 testing. Kasama rin umano sa expanded testing guidelines ng health agency ang mga karagdagang subsectors na binubuo ng mga frontliners tulad ng barangay health emergency response teams, social workers maging ang mga nasa vulnerable population.

“Nakukuha po natin ang rated capacity kapag tiningnan natin ang isang lisensyadong laboratoryo, base sa kanilang RT-PCR machines kung ilan ‘yan, base sa kung ang health human resources ay kumpleto, base rin po sa operating hours ng isang laboratory and then we compute for their maximum capacity na pwedeng magawa base sa reosurces ,” saad ni Vergeire.

Dagdag pa ng kalihim na nasa 2,200 pa ang backlog cases ng mga laboratoryo. Aniya napababa na ang naturang bilang ng 500 ngunit dahil sa operational issues na araw-araw nilang pinoproblema ay hindi raw talaga maiiwasan na madagdagan ang mga ito.

“Meron na ho tayong strategies na ine-employ for these things para pa magkaroon tayo ng stable na outputs per day. Hopefully we can reach this goal of having 1.5% of the population tested by the end of July,” wika ng kalihim.

Sa kabila nito ay nananatili pa ring positibo ang ahensya na mawawala na rin sa tally ang “late cases.”

Ngayong araw ay may karagdagang 490 na bagong kaso ng COVID-19 sa bansa, 298 ang gumaling mula sa sakit at 10 lamang ang namatay.