-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO- Nagbabala ngayon ang Department of Health (DOH-12) sa publiko kaugnay sa steam inhalation o tuob na pinaniniwalaang nakakapatay umano sa coronavirus o COVID-19.

Ayon sa DOH-XII, wala pang siyentipikong pag-aaral na nakakapagtunay nito.

Aniya, imbes na makakatulong ay may posibilidad pa umanong mapasama ang virus sa singaw o aerosolization na maaaring pagmulan ng pagkalat ng sakit.

Nagpaparami din umano ito ng secretions o likido sa ilong na maaaring makahawa sa iba sa pamamagitan ng pagbahin o pag-ubo.

Maliban pa rito, nagpaalala din ang DOH-XII na maaari din itong magdulot ng aksidente tulad ng pagkasunog o pagkalapnos ng balat.

Mariin din itong pinabulaanan ng World Health Organization (WHO) kaugnay sa kumakalat na maling impormasyon sa steam inhalation.

Naging maugong ang balitang nakakapatay umano ng COVID-19 ang tuob sa social media matapos maglabas ang Provincial Government ng Cebu ng memo na naghihikayat sa pagsasagawa nito dalawang beses sa isang araw.