Dalawang beses kinunan ng samples ang isang 60-anyos na babaeng Chinese national mula Wuhan City, China matapos dumating ng Pilipinas at makitaan ng sintomas ng 2019 Novel-Corona Virus (nCoV).
Negative ang resulta sa confirmatory test ng lab facility sa Australia ng unang sample na kinuha sa babae noong January 24.
Pero nang lumabas ang resulta ng January 23 sample nito sa itinayong lab facility ng RITM, lumabas na positibo ito sa nCoV. February 3 daw nang ipasa ng tanggapan sa Department of Health ang impormasyon.
“Kasi dati sinasala natin. Hindi kasi lahat pwede nating ipadala sa Australia noon. May protocol ang WHO kung ilan lang ang pwedeng ipadala, so pinipili lang natin yung mga very suspicious. But since then, we have tested all of them. And all of them tested negative, except for this one,” ani Usec. Eric Domingo.
“The clinical explanation is that the patient was probably towards the end of the illness at that time, kaya positive pa sya. Pero yung subsequent nya was negative na both at RITM and Australia.”
Nanawagan na ang DOH sa mga pasaherong nakasabay ng babaeng Tsino sa mga flight nito mula nang dumating sa Cebu via Hong Kong noong January 21. Nabatid din kasi na lumipad ito papuntang Bohol.
Kabilang sa mga ito ang Cebu Pacific flight 5J241 na Hong Kong-Cebu noong January 20 at 21; Cebu Pacific flight DG6519 na Cebu-Dumaguete noong January 21; at Philippine Airlines flight PR-2542 na Dumaguete-Manila noong January 25.
Sa ngayon lumobo pa sa 133 ang record ng mga patients under investigation (PUI). Na-discharge na ang 16 dito at patuloy na mino-monitor, habang naka-admit pa 115.
Mula sa nasabing bilang, 63 ang Pinoy, 54 ang Chinese at 16 ang magkakaibang lahi.
Ang Epidemiology Bureau naman, may na-contact ng 203 pasahero mula sa mga nasabing flights. 14 sa mga ito ang na-isolate na for monitoring.
Nakauwi na ng shenzen, China noong January 31 ang babae lulan ng isang Air Asia flight matapos bumuti ang lagay at ma-discharge sa ospital.