Pumalo pa sa 78,412 ang kabuuang bilang ng mga nagpopositibo sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa Pilipinas.
Sa pinaka-latest na case bulletin ng Department of Health (DOH), may 2,019 ang nadagdag sa total case count, mula sa mga tests na isinagawa ng 78 sa 90 operational labs sa buong bansa.
Kasabay nito, nakapagtala rin ang bansa ng record-high na bilang ng mga gumaling sa sakit na umabot sa 1,278.
Kaya naman, umakyat pa sa 25,752 ang bilang ng mga recoveries sa coronavirus.
Habang 20 naman ang nadagdag sa death toll, kaya naman umabot na sa 1,897 ang bilang ng mga nasawi.
Sa panibagong death count, 13 ang naitala ngayong Hulyo; apat noong Hunyo; dalawa noong Abril; at isa noong Marso.
Nanggaling ang mga ito sa Region 7; Metro Manila; Region 4A; Region 3; at Region 9.
Umabot naman sa 51 ang mga duplicates na tinanggal sa total case count. Sa naturang bilang, 25 recovered cases at dalawang deaths ang tinanggal matapos ang final validation.
May tatlong kaso namang dating napaulat na recovered ngunit matapos ang isinagawang balidasyon ay natuklasan na pumanaw na ang mga ito bunsod ng nakahahawang sakit.