-- Advertisements --

MANILA – Inirekomenda ng mga eksperto na bakunahan muna ang 30% ng populasyon bago luwagan ang paghihigpit sa mga indibidwal na “fully vaccinated” na laban sa COVID-19.

Ito ang inamin ng Department of Health (DOH) matapos makausap ang mga miyembro ng kanilang All Experts Group.

“If ever, we will be implementing slowly and gradually para masigurong ligtas pa rin tayo sa banta ng COVID-19,” ani Health Usec. Maria Rosario Vergeire.

“Kailangan unti-unti nating ipapatupad ito, pag-aralan ng mabuti itong pagbibigay ng liberal incentive sa ating mga fully vaccinated.”

Ang pahayag ng opisyal ay tugon sa panawagan ni Sen. Vicente Sotto III na alisin na ang 14-day quarantine ng mga indibidwal na nakatanggap na ng kumpletong vaccine doses.

Sa ngayon hindi pa raw umaabot sa “threshold” o sukat na 30% ng populasyon sa Pilipinas ang kumpletong nababakunahan laban sa COVID-19, kaya hindi pa pwedeng ikonsidera ang maluwag na panuntunan.

“Ang gusto nilang (experts) ipunto rin na at least 50% of senior citizens are vaccinated.”

Batay sa huling datos ng DOH, nasa higit 5-milyong indibidwal pa lang ang nababakunahan laban sa coronavirus. Higit 1-milyon sa mga ito ang fully vaccinated.

Target ng pamahalaan na mabakunahan ang hanggang 50-milyong indibidwal sa pagtatapos ng taon.

Nilinaw ni Vergeire na bukas naman ang pamahalaan sa panukala, pero kailangan pa rin nitong dumaan sa pag-aaral ng mga eksperto at approval ng Inter-Agency Task Force.