Inanunsyo ng Department of Health (DOH) na darating na umano sa susunod na linggo ang 3,000 Gene Xpert test kits upang makatulong sa testing capacity ng bansa para sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ang nasabing mga test kits, na karaniwang ginagamit sa diagnosis ng tuberculosis, ay kayang maglabas ng resulta sa loob lamang ng 45 minuto.
Ngunit nilinaw ni Health Usec. Maria Rosario Vergeire, sasailalim pa ang naturang mga test kits sa validation ng DOH at hindi rin ito maaaring ipadala kaagad sa mga testing laboratiories.
“Ang Gene Xpert ay isang teknolohiya na ginagamit na natin noon pa para sa pag-diagnose ng tuberculosis or TB. Dahil automated ang Gene Xpert machine, mas mabilis ang turnaround time nito o ang oras na kailangan upang makakuha ng resulta matapos ma-proseso ang test,” wika ni Vergeire.
“Mainam po ito dahil mas maraming specimen ang kaya nitong ma-proseso sa isang araw kumpara sa ating RT-PCR machines,” dagdag nito.
Una nang sinabi ni Cabinet Secretary Karlo Nograles, na siya ring tagapagsalita ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases, na may 45-minutong turnaround time ang mga Gene Xperts testing kits.
Samantala, sinabi ni Vergeire na pinag-aaralan ngayon ng DOH at ng Center for Health Development na gawing referral hospitals ang nasa 75 pagamutan sa bansa.
Target aniya na maglagay ng kahit isang referral hospital sa kada rehiyon.