Lumobo pa sa 220,819 ang kabuuang bilang ng mga kinakapitan ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa Pilipinas.
Sa pinakahuling datos na inilabas ng Department of Health (DOH), umabot sa 3,446 ang panibagong kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa bansa batay sa isinumiteng test results ng 97 mula sa 110 na mga laboratoryo.
Sa nasabing bilang, nananatiling ang National Capital Region ang may pinakamaraming naitalang kaso na halos 2,000.
Sumunod naman ang Laguna na may 163; Cavite, 161; Leyte, 155; at Pampanga, 116.
Nasa 59,699 naman ang kabuuang numero ng mga active cases kung saan karamihan pa rin sa mga ito ang mild at asymptomatic.
Samantala, nadagdagan ng 165 ang bilang ng mga gumaling mula sa virus, kaya naman lumaki pa sa 157,562 ang mga total reported recoveries.
May 38 namang bagong napaulat na binawian ng buhay dahil sa COVID-19, kaya sumampa na ang death toll sa 3,558.
Ayon pa sa DOH, may 23 kaso rin ang tinanggal mula sa total case count, kung saan apat na recovered cases ang inalis.
Maliban pa rito, may dalawang kaso rin ang naunang ini-report na mga recoveries ngunit natuklasan na ito ay pawang death cases matapos ang final validation.