Umakyat sa 213,131 ang kabuuang bilang ng mga kinakapitan ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa Pilipinas.
Sa pinakahuling datos na inilabas ng Department of Health (DOH), umabot sa 3,637 ang panibagong kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa bansa batay sa isinumiteng test results ng 102 mula sa 110 na mga laboratoryo.
Sa nasabing bilang, nananatiling ang National Capital Region ang may pinakamaraming naitalang kaso na lagpas 2,000.
Sumunod naman ang Laguna na may 217; Rizal, 155; Cavite, 142; at Batangas, 113.
Nasa 74,611 naman ang kabuuang numero ng mga active cases kung saan karamihan pa rin sa mga ito ang mild at asymptomatic.
Samantala, nadagdagan ng 655 ang bilang ng mga gumaling mula sa virus, kaya naman lumaki pa sa 135,101 ang mga total reported recoveries.
May 94 namang bagong napaulat na binawian ng buhay dahil sa COVID-19, kaya sumampa na ang death toll sa 3,419.
Ayon pa sa DOH, may 50 kaso rin ang tinanggal mula sa total case count, kung saan 16 recovered cases ang inalis.
Maliban pa rito, may 12 kaso rin ang naunang ini-report na mga recoveries ngunit natuklasan na siyam dito ay death cases habang tatlo ang active cases matapos ang final validation.