Lumobo pa sa 126,885 ang kabuuang bilang ng mga kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa Pilipinas.
Batay sa pinakahuling case bulletin mula sa Department of Health (DOH), karagdagang 4,226 na bagong kaso ng COVID-19 ang naitala ngayong araw.
Ito ay resulta ng mga tests na isinumite ng 82 mula sa 99 na accredited na mga laboratoryo sa buong bansa.
Umabot naman sa 57,599 ang numero ng mga active cases kung saan karamihan pa rin sa mga ito ay mga mild at asymptomatic na kaso.
Nananatili naman ang Metro Manila sa lugar na may pinakamaraming naitalang kinapitan ng deadly virus, na pumalo sa 2,669.
Sinusundan ito ng Laguna na may 582; Cavite na may 154; Cebu na may 125; at Rizal na may 118.
Samantala, nadagdagan ng 287 ang mga gumaling mula sa sakit, kaya ang total recoveries ay umakyat pa sa 67,117.
Habang may karagdagan namang 41 sa death toll, dahilan para sumipa pa sa 2,209 ang mga total deaths.
May 95 duplicates din ang inalis sa total case count bunsod ng nagpapatuloy na validation ng kagawaran.