Umakyat na sa 157,918 ang kabuuang bilang ng mga dinapuan ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa Pilipinas.
Batay sa pinakahuling case bulletin mula sa Department of Health (DOH), nadagdagan ng 4,351 ang confirmed cases ng COVID-19 ng bansa ngayong araw batay sa isinumiteng datos ng 93 mula sa 103 na mga laboratoryo.
Nangunguna pa rin ang Metro Manila sa may pinakamaraming naitalang dinapuan ng sakit ngayong araw na umabot sa 2,460.
Sumusunod naman ang Laguna na may 232 na mga kaso, Cavite na may 211, Cebu na may 187, at Rizal, 184.
Nasa 83,109 naman ang kabuuang numero ng mga aktibong kaso kung saan malaking porsyento rito ang mga mild at asymptomatic cases.
Samantala, lumobo pa sa 72,209 ang mga total recoveries sa buong bansa, matapos na madagdagan ng 885 ngayong araw.
May 159 namang iniulat na bagong binawian ng buhay dahil sa virus, dahilan kaya sumampa na ang death toll sa 2,600.
Tinanggal din sa total case count ang 93 mga kaso, matapos ang nagpapatuloy na validation.
Sa nasabing bilang, 10 recovered cases ang inalis, habang ang 71 kaso na unang iniulat na recoveries ngunit matapos ang final validation, nadiskubre na 70 sa mga ito ay death case, at isa ang active case.
Isang kaso naman na unang iniulat na death case ang na-validate bilang recovery.