Kabilang sa tinututukan ngayon ng Department of Health (DOH) ang ilang punto na posibleng dahilan ng outbreak ng COVID-19 sa “emerging hotspot” na Cebu City.
“We are working on about five assumptions that we are currently studying. Maraming nakita kasi sa pag-response natin sa Cebu (City) kung bakit nagkaroon ng ganitong pagtaas ng mga kaso.”
Isa sa mga nakikita ng DOH na dahilan ay ang pagluluwag sa estado ng community quarantine sa lungsod, at kung paano ba nasunod ang minimum health standard sa ilalim ng mga pagbabagong ito.
“Tinitingnan natin yung demographics nung mga nagkakaroon ng sakit sa Cebu City. Kailangan natin makita kung talagang community yung transmission or were there imported cases coming from other areas going in, o talagang within the community nangyayari.”
Kabilang din daw sa kinakalap ng DOH na impormasyon ay tungkol sa implementasyon ng isolation, treatment at isolation. Pati na ang mga naging aktibidad ng komunidad.
“Are there any practices na ginagawa ang mga tao dyan? Mayroon ba silang commonly na ginagawa na nakaka-increase ng transmission?”
Batay sa pinakabagong data ng Epidemiology Bureau, 61 mula sa 80 barangay sa Cebu City ang may bagong kaso ng COVID-19.
Mula naman sa nabanggit na kabuuang bilang ng mga barangay, 49 may clustered cases o mga lugar na may dalawa o higit pang kaso ng sakit.
Natukoy rin daw ng DOH ang pag-akyat tuloy-tuloy na pag-akyat ng critical care utilization rate (CCUR) ng Cebu City.
Ang ICU beds ng lungsod ay 55-percent na ang okupado; 84-percent naman sa mga isolation beds; sa mga wards ay 64.9-percent; habang 50-percent ang ginagamit na mechanical ventilators.
Una nang sinabi ng DOH na 70-percent ang itinituring na critical average ng CCUR.