-- Advertisements --

Iginagalang daw ng Department of Health (DOH) ang obserbasyon ng World Health Organization (WHO) hinggil sa mababang contact tracing efforts at pagsunod ng ilang local government units sa ipinatutupad na minimum health standards laban sa pagkalat ng COVID-19.

“Those are valid observations (that) some LGUs mayroon talagang kakulangan sa contact tracing like we have this performance na percentage for contact tracing makikita natin mataas naman yung most of the regions, but there would be regions na talagang medyo kailangan ng tulong when it comes to contact tracing,” ani Health Usec. Maria Rosario Vergeire.

Sa ngayon may higit 54,000 contact tracers daw na kumikilos sa buong bansa. Ito ay kalahati mula sa higit 100,000 target na sinabi Department of Finance noong Mayo.

“Ang naging sistema kasi nilagyan natin ng standard (na) sa isang 800 persons in a community dapat may isa kang contact tracer. Kapag kinompute mo yan, aabot sa 130,000.”

Bagamat hindi pa naaabot ang sinasabing target, nilinaw ni Usec. Vergeire na may mga tumutulong naman na kawani ng local government units sa pagte-trace.

Sa ngayon ang nakikita lang daw na problema ng DOH kaya hindi pa sila makapagdagdag ng tracers ay ang limitadong budget.

Kung maaalala, nagpahayag ng pagtutol si Senate President Tito Sotto sa hiling na budget ng ahensya para sa hiring at sweldo ng contact tracers.

Kamakailan naman nang sabihin ni Usec. Vergeire sa isang interview na walang dahilan para madaliin ang hiring sa contact tracers.

RESPONDE NG MGA LGUs VS COVID-19

Batid din daw ng DOH na may ilang LGUs na hindi napanindigan ang pagbabantay sa mga COVID-19 patients na sa kani-kanilang mga bahay nag-quarantine.

“Kasama naman yan sa protocol natin (na) kapag mild and asymptomatic, maaaring sa bahay na lang mag-quarantine.”

Sa ilalim ng nasabing protocol, mandato raw ng LGUs na atasan ang Barangay Health Emergency Response Teams (BHERT) para mag-monitor sa mga nag-home quarantine.

Dapat umanong masiguro na sa kani-kanilang bahay ay may sarili silang kwarto, palikuran at mga gamit dahil posibleng mahawa nila ng COVID-19 ang mga kapamilya.

“Itong ganitong mga gaps in our management of COVID-19 cases plus gaps in contact tracing might be a contributor talaga dito sa transmission na nakikita natin ngayon.”

Bukod sa pagpapaalala, tiniyak din ng DOH na nagbabahagi rin sila ng best practices sa mga LGUs mula sa iba pang lokalidad na epektibo ang ginagawang hakbang kontra COVID-19 pandemic.