Umaasa ang Department of Health Western Visayas na madagdagan na ang reagents sa rehiyon para mas mapabilis ang testing sa Japanese encephalitis.
Ito ay kaugnay sa 25 kaso ng naturang sakit sa rehiyon kung saan 12 ang mula sa lalawigan ng Iloilo, pito sa Antique, lima sa Capiz, at isa sa Iloilo City.
Naitala rin ng opisina ang apat na mga patay ngayong taon na mula lahat sa Iloilo Province.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Regional Epidemiology and Surveillance Unit chief Dr. Jane Juanico-Esteva, sinabi nito na dahil limitado pa lamang ang suplay ng re-agents mula sa central laboratory, ang na-test pa lamang na mga specimen ay mula Enero-early part ng Marso.
Aniya, may 163 specimens pa na naghihintay sa testing sa Research Institute for Tropical Medicine o sa central office.
Nilinaw ni Esteva na wala pang oubreak ng Japanese encephalitis sa Western Visayas, ngunit inabisuhan ang publiko na ipractice ang self-protection measures.