Pinaalalahanan ngayon ng Department of Health-7 ang publiko sa mga sakit na maaaring makuha lalo na ngayong panahon ng tag-ulan kabilang na dito ang water-borne disease, influenza-like ilnesses, leptospirosis, at dengue.
Inihayag ni Regional Epidemiologist Dr. Eugenia Mercedes Cañal, umabot sa kabuuang 47 kaso ng leptospirosis ang naitala sa rehiyon mula Enero hanggang Hunyo 15 ngayong taon.
Pinakamarami pang kaso ang naitala sa Bohol na may 19; na sinundan ng Cebu province na may 9; Cebu City na may 7; 5 sa Negros Oriental; at tig-iisang kaso sa Mandaue at Lapu-lapu.
Nakapagtala naman ang kagawaran ng apat na nasawi dahil sa naturang sakit kung saan dalawa ay mula sa Cebu City, at tig-iisa sa Mandaue City at Daanbantayan.
Nilinaw pa ni Dr. Cañal na ang leptospirosis ay maaaring makuha ng isang tao sa pamamagitan ng kontaminadong tubig na may bacteria na dala hindi lamang ng mga daga kundi maging ng iba pang mga alagang hayop.
Ipinunto pa nito na ngayong tag-ulan, dapat iwasan ng publiko na lumusong sa mga kontaminadong tubig o baha, lalo na iyong may sugat.
Idinagdag pa nito na may baha man o wala ay mayroon pa rin umanong kaso ng nasabing sakit.
Payo naman nito sa publiko na manatiling malusog at iwasang lumusong sa tubig baha dahil mas nagdudulot ito ng pinsala sa kalusugan.