Tiniyak ngayon ng Department of Health-7 na nagkaroon sila ng mahigpit na pakikipag-ugnayan sa health office at mga katuwang na ahensya sa isla ng Negros para mamonitor ang sitwasyon doon kasunod ng Mt. Kanlaon eruption.
Inihayag ni Dr. Shelbay Blanco, Medical Officer IV ng Regional Health Emergency Management Section, na naka activate na umano 24/7 ang Regional DOH Emergency Center at nakastandby na rin ang medical team para sa posibleng mobilisasyon.
Sinabi pa ni Blanco na bilang tulong sa mga displaced families ay may ipinamahagi na silang mga mask at nebulizers dahil tumaas pa aniya ang kaso ng respiratory illnesses dahil sa ashfall.
Bukod dito, tinitingnan din nila ang posibilidad ng pagtaas ng water-borne diseases.
Kaugnay nito, nagdeploy na aniya sila ng health clusters kung saan may team na idineploy para sa water sanitation and hygiene wash, nagkaroon din ng water sampling upang masiguro na hindi kontaminado ang tubig, at may mga nutrition team na susuri sa nutrisyon ng mga lumikas na mga indibidwal.
Paglilinaw naman ni Blanco na noong Hunyo pa lamang ay may mga ginagawa na silang hakbang kung saan idineploy ang kanilang mental health and psychosocial team na ngayon ay naka standby na naman.