-- Advertisements --

Nakapagtala na ang Department of Health-7 ng kabuuang 14 na kaso ng fireworks-related injuries sa buong Central Visayas mula Disyembre 21 hanggang 27 ng taong kasalukuyan matapos madagdagan ng 5 panibagong kaso.

Sa data na inilabas ng ahensya, tatlong kaso ang naiulat sa Bohol Province, walo sa Probinsya ng Cebu, dalawa sa Cebu City, at isa sa Mandaue City.

Inihayag ni ni Regional Epidemiologist and Surveillance Unit-7 head Dr Eugenia Mercedes Cañal, na ang pinakabatang biktima ay siyam na taong gulang.

Sinabi pa ni Cañal na ang nangungunang mga paputok na nagdudulot ng pinsala ay ang “lantaka,” na sinundan ng Goodbye Philippines, at whistle bomb.

Gayunman, ang mga naitalang kaso ngayong taon, aniya, ay mas mababa ng 33 % kumpara sa 21 kaso na naiulat sa parehong period noong nakaraang taon.

Hindi naman nito inalis ang posibilidad na tumaas ang firecracker-related injuries sa pagdiriwang ng Bagong Taon kaya naman binigyang-diin nito ang kahalagahan ng pagbebenta, paggawa, pamamahagi, paggamit ng mga paputok at pagkakaroon ng itinalagang fireworks display area.

Bukod dito, pinaalalahanan din ni Cañal ang publiko sa tamang pagsunod sa food safety.