Kinumpirma ng Department of Health-7 na bahagyang tumaas ang kaso ng dengue sa Central Visayas ngayong taon kung saan nasa 6,968 na kaso ng dengue ang naitatala at 18 na ang nasawi mula Enero 1 hanggang Hunyo ngayong taon.
Inihayag ni Dr. Ronald Buscato, Medical Officer IV ng DOH-7 Communicable Diseases Section, na ang bilang na ito ay 95 percent na mas mataas kumpara sa parehong period noong nakaraang taon.
Sinabi pa ni Dr. Buscato ang mga tinamaan ng dengue ay may edad isang buwang gulang hanggang sa 98 taong gulang kung saan pinakamaraming kaso pa ay mga school-aged children.
Karamihan din aniya sa mga naitala ay mula sa mga rural areas.
Paliwanag pa nito na matagal na naranasan ang tagtuyot sa bansa at dahil sa kakapusan ng tubig, maraming tao ang nag-imbak ng tubig na naiwang walang takip na nagiging “instant breeding sites” para sa mga lamok.
Nagbabala naman ang health department sa publiko na huwag maging kampante lalo na’t nagsimula na ang tag-ulan kaya’t muli nitong pinaalalahanan ang lahat ng local government units at rural health units na simulan ang pagbalangkas ng mga patakaran at programa para sa mga interbensyon.
Kabilang na dito ang massive clean-up drive, search and destroy sa mga pinamumugaran ng lamok at chemical intervention upang maiwasan ang pagdami ng mga lamok.