DOH-7, nilinaw na wala pang kumpirmadong kaso ng mpox sa rehiyon; 5 suspected cases, mahigpit na minomonitor
Nilinaw ng Department of Health – Central Visayas na wala pang kumpirmadong kaso ng mpox o monkeypox sa Cebu o sa buong Central Visayas.
Ginawa ng kagawaran ang paglilinaw kasunod ng kumakalat na post sa social media na may mga ginagamot sa Cebu dahil sa mpox.
Inihayag ni Dr. Eugenia Mercedes Cañal, pinuno ng DOH-7 Regional Epidemiology and Surveillance Unit, na walang katotohanan ang naturang post dahil sa ngayon ay suspected cases pa lamang ang mga ito na patuloy nilang mahigpit na binabantayan.
Sinabi pa ni Cañal, kinabibilangan ito ng dalawang lalaki, dalawang babae na isang menor de edad at senior citizen, at isa pang patuloy na tinutukoy na indibidwal.
Aniya, nagpakita ang apat sa mga ito ng mga senyales at sintomas ng mpox tulad ng lagnat at pantal at sa katawan.
Sa ngayon, nagpadala na ng mga sample sa Research Institute for Tropical Medicine at hinihintay pa ang resulta ng confirmatory test kaya naman hindi pa umano ito maituturing na kumpirmado ang mga kaso.
Ipinagbigay-alam na rin ang mga lgus hinggil sa mga kasong ito.
Nabatid na mula noong taong 2022, nakapagtala ang rehiyon ng 22 kaso ng mpox ngunit nagnegatibo ito sa mga confirmatory test.
Nauna na ring pinaalalahanan nito ang publiko sa kahalagahan ng pagprotekta ng sarili sa pamamagitan ng pagkain ng masustansyang pagkain at agad magpatingin sa doktor kapag may masamang karamdaman.