Positibo ang naging reaksyon ni Department of Health-7 Regional Director Dr. Jaime Bernadas at tinawag na ‘advantage’ ang pagkakaroon ng bagong regional office sa ilalim ng Negros Island Region.
Sinabi pa ni Dr. Bernadas na hindi naman umano maaapektuhan dito ang kanilang paghahatid ng serbisyong pangkalusugan dahil in place naman umano ang mga health facilities at operational din naman ang mga ospital at sa katunayan ay isa lang din umano ang DOH-hospital sa Negros Island na matatagpuan sa Bacolod.
Aniya, ang binuong bagong opisina ay mabibigyan naman umano ng hiwalay na budget sa hinaharap at liliit na rin ang kanilang area of responsibility at areas of focus na Cebu at Bohol na lamang.
Ibinunyag pa ni Bernadas na ‘work in progress’ at magiging operational na sa lalong madaling panahon ang bagong regional office ng kagawaran dahil may natukoy na umano silang mga tauhan mula sa Region 6 at 7 na mangangasiwa doon.
Dagdag pa nito na ipinag-utos pa umano ni Health Secretary Ted Herbosa na itatag ang bagong regional office sa ilalim ng Negros Island Region sa lungsod ng Dumaguete.