Inamin ni Health Sec. Francisco Duque III na hirap ang kanilang mga tauhan na makompleto ang contact tracing sa mga taong nagkaroon ng close contact sa mga nagpositibo sa Wuhan coronavirus.
Ayon kay Duque, may mga isinasaalang-alang na privacy issue at kooperasyon ng ibang tanggapan kaya hindi agad matapos ang paghahanap sa iba pang posibleng biktima ng virus.
Pero ikinairita ito ng ilang senador dahil sa pangambang kumalat lalo ang sakit dahil sa kabagalan ng Health department.
Ayon kay Sen. Nancy Binay kulang ang effort ng DOH sa bagay na ito.
“Sa tingin ko, mabagal yung paghahanap natin. Baka hindi epektibo yung aksyon nyo rito,” wika ni Binay.
Para kay Sen. Kiko Pangilinan, dapat madaliin ang paghahanap sa mga posibleng may dala ng virus, dahil panganib ang hatid nito kapag hindi agad nabigyan ng tugon.
Suhestyon tuloy ni Sen. Ronald dela Rosa, ibigay na lang sa pulisya ang trabaho ng contact tracing kung hindi na kaya ng DOH.
“Kung ibigay yan sa PNP, baka mapabilis pa,” pahayag ni Dela Rosa na dating pinuno ng PNP.
Sa panig naman ni Sen. Panfilo Lacson, tila nawala ang principle of unity of command ng mga ahensya dahil sa isyung ito.
Hindi rin ikinatuwa ni Lacson ang pagtuturo ni Duque ng ibang tanggapan, dahil sa kabiguan sa contact tracing.
“What happens to the principle of unity of command? I thought this is a health issue, and the DOH should be the first line of defense and should be designated as the Office of Primary Responsibility. You shouldn’t be blaming other people because this is a health issue. And it’s wrong to point to the BI and CAAP, it should be the initiative of the DOH. What we have here as Pangilinan mentioned earlier is a failure of leadership. The DOH should be in charge, on top of the situation. Not the CAAP, BI, DoTr but the DOH,” wika ni Lacson.