Inatasan na raw ng Department of Health (DOH) ang kanilang Epidemiology Bureau (EB) na ihinto muna ang pagde-deklara ng mga COVID-19 emerging hotspots dahil sa apela ng ilang local government units.
“Nag-react ang mga local officials. And when we sat down and discussed, kasi yung sa kanila naman may zero dati na case nagka-isa, mayroong zero case nagka-dalawa,” ani Health Usec. Maria Rosario Vergeire.
“Sabi nila it’s unfair para naman din sa kanila. And we said na parang pwede naman na we are now comparing na lang base on numbers at hindi muna tayo magsabi ng hotspot.”
Ang naging basehan kasi ng DOH-EB sa pagdedeklara ng emerging hotspots ay ang biglang pagtaas ng kaso ng sakit sa mga lugar na wala pang naitatalang kaso ng COVID-19, o matagal nang walang naire-report na bagong kaso ng sakit.
“In that sense for epidemiology, hindi talaga hotspot ‘pag ganito. Namali lang yung term na ibinigay yung Epidemiology Bureau.”
As of June 30, dalawang bagong kaso ng COVID-19 daw ang naitala sa Bukidnon at Lanao del Norte; at tatlo sa Misamis Occidental, kaya sila napabilang sa emerging hotspots sa Region 10.
Ayon sa DOH, karamihan sa mga bagong kaso ng COVID-19 na naitatala sa iba pang natukoy na emerging hotspot sa Mindanao ay mula sa mga umuwing Pilipino abroad at locally stranded individuals.
Sa ngayon patuloy daw ang pakikipag-ugnayan ng ahensya sa Regional Epidemiology and Surveillance Units para matukoy kung saang mga bansa nanggaling ang mga umuwing Pilpino abroad.