-- Advertisements --

MANILA – Ikinatuwa ng Department of Health (DOH) ang pag-apruba ng China sa COVID-19 vaccine ng Sinovac para sa mga bata.

“Magandang balita yan. Kung talagang makikita natin na yung pag-aaral ay maya accuracy at may basis at ebidensya ay maganda, magandang balita ito hindi lang sa Pilipinas, kundi sa buong mundo,” ani Health Usec. Maria Rosario Vergeire.

Ayon sa opisyal, bukas naman ang pamahalaan sakaling gamitin na sa mga menor de edad ang bakuna ng China.

Pero kailangan pa raw magsumite ng bagong aplikasyon ang Chinese vaccine manufacturer para mabago ang nilalaman ng emergency use authorization ng kanilang bakuna sa bansa.

“Kapag nabuo na nila ang kanilang mga ebidensya, nakumpleto ang kanilang trial, at nag-sumite sila dito ng revision ng kanilang EUA, pag-aaralan ng ating mga eksperto.”

“Kung mapatunayan natin na ito ay magiging ligtas and its going to protect our children, the Philippines will be open to this.”

Batay sa preliminary data ng Phase I at Phase II clinical trials ng Sinovac vaccine, lumalabas na may kakayahan ang bakuna na bigyan ng immune response ang mga menor de edad na 3 to 17-years old.

Hindi pa napa-publish sa “peer-reviewed” journal ang resulta ng naturang pag-aaral.

Kamakailan nang mapasali na rin sa emergency use listing ng World Health Organization ang naturang Chinese vaccine brand.

Ang bakuna ng Sinovac ang may pinakamalaking bilang mula sa supply ng bansa sa COVID-19 vaccines. – with reports from Reuters