LEGAZPI CITY- Nagkaisa ang Department of Health (DOH) at Office of Civil Defense (OCD) na magsagawa ng synchronized na paglilinis na nilalayong mapigilan ang pagtaas ng kaso ng dengue sa rehiyon.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay DOH Bicol Director Ernie Vera na batay sa pinakahuling datos ng ahensya mula Enero hanggang July 27, 2019, nasa higit 3,600 na ang kaso ng dengue sa Bicol habang 37 na rin ang nasawi dahil dito.
Plano rin ng dalawang ahensya na maglunsad ng kampanya sa lingguhang pag-iikot sa mga barangay at mga eskwelahan upang magsagawa ng mga hakbang laban sa virus na nakukuha sa kagat ng lamok.
Nanawagan naman ang opisyal sa mga magulang na agad na dalhin at ipakonsulta sa doktor ang mga batang nakitaan ng mga sintomas upang hindi maging seryoso ang lagay.
Nabatid na 134% na ang itinaas ng kaso ng dengue sa rehiyon kung ihahambing sa kaparehong panahon sa nagdaang taon.