Lumagda ang Department of Health (DOH) at ilang agency partners ng United Nations (UN) sa isang memorandum of understanding para magtulungan sa pagtugon ng malnutrisyon sa Pilipinas.
Bahagi ang kasunduang ito ng Philippine Multisectoral Nutrition Project (PMNP) na layuning makamit ang mga interbensiyon para sa pagbibigay ng nutrisyon sa lahat ng mamamayan sa 235 na lokal na pamahalaan sa buong bansa kabilang ang 40 bayan sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Ayon kay Health Secretary Ted Herbosa, ang pakikipagpartner ng DOH sa UN ay patunay ng kanilang shared commitment para sa mas malusog at mas magandang kinabukasan para sa mga Pilipino.
Kinikilala din ng proyektong ito na ang nutrisyon ay hindi lamang usapin ng kalusugan. Aniya, itinakda ng administrasyong Marcos ang interbensyon na ito bilang bahagi ng pundasyon nito para sa panlipunan at pang-ekonomiyang pag-unlad sa pamamagitan ng pagtiyak na ang kababaihan at mga bata ay magkaroon ng access sa unang 1,000 araw ng mga serbisyo bilang isang mahalagang pamumuhunan sa human capital ng ating bansa.
Ang pakikipagtulungan din sa pagitan ng DOH at ng UN, kabilang ang UNICEF at United Nations Office for Project Services (UNOPS) ay magbibigay ng mga healthcare equipment at supplies, basic primary care at nutrition commodities, multisectoral information systems development para sa localized decision-making, capacity building para sa mga frontline healthcare workers, community health navigation at nutrition leadership and governance para sa mga lokal na punong ehekutibo.