Sumampa na sa mahigit 290,000 ang bilang ng mga kinakapitan ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa Pilipinas ngayong araw.
Batay sa pinakahuling datos mula sa Department of Health (DOH), umabot sa 3,475 ang nadagdag sa total case count ng bansa, na pumalo na sa kabuuang 290,190.
Nanggaling pa rin sa Metro Manila ang pinakamalaking bilang ng mga kaso sa huling dalawang linggo, na sinusundan ng Calabarzon Region at Eastern Visayas.
Ang bilang naman ng mga active cases o nagpapagaling pa ay nasa 54,958.
Sa naturang bilang, karamihan pa rin ang itinuturing na mga mild cases.
Samantala, nasa 400 naman ang panibagong mga gumaling sa nakahahawang sakit, dahilan kaya umakyat pa ang mga recoveries sa 230,233.
Habang ang death toll naman ay nasa 4,999 makaraang madagdagan ng 15.
Sa kabilang dako, 28 duplicates din ang inalis ng DOH mula sa total case count kung saan 19 ang mga recovered cases.
Maliban pa rito, 13 kaso na dating napaulat na recoveries ang pinalitan ng tagging matapos matukoy sa final validation na 12 ang patay na at isa ang active case.