-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – Nagpaliwanag ang Department of Health Center for Health and Development Bicol sa pagkakaiba-iba ng datos na nakalagay sa Daily COVID-19 Updates ng regional office at inilalabas na datos ng mga lokal na gobyerno.

Batay sa paglilinaw ni DOH-CHD Bicol Regional Director Dr. Ernie Vera, mula sa Regional Epidemiology and Surveillance Unit (RESU) ang inilalabas na tala ng tanggapan habang nakadepende rin sa bilang ng mga nagpositibo at specimen na sinuri mula sa mga COVID-19 laboratory.

Kabilang rin sa naturang report ang mga nasawi at gumaling na sa COVID-19 mula sa mga Provincial/City/Municipal/Hospital ESUs.

Hindi pa umano kabilang rito ang mga tala na hindi nairereport ng mga LGU sa RESU na karaniwang dahilan ng pagkakaiba-iba ng datos.

Tiniyak naman ng tanggapan na nagsasagawa na ng data reconciliation kasama ang mga LGU na pinaalalahanan sa agarang pagrereport ng mga naitatalang recoveries at deaths para magtugma ang mga datos.

Idagdag pa umano ang araw-araw na verification ng RESU sa mga local offices.

Matatandaang una nang hiniling ng provincial health office ng Sorsogon ang naturang hakbang dahil sa pagkakaiba ng bilang ng COVID-deaths ng regional at provincial office.