LEGAZPI CITY – Nakaalerto na rin ang Department of Health (DOH) Bicol dahil sa pangamba sa bagong coronavirus na tumama sa ilang mga residente sa China sa kabila ng pahayag ng ilang eksperto na hindi ito nakakamatay kumpara sa SARS at MERS.
Ayon kay DOH Bicol Director Dr. Ernie Vera sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, mas mabuti na ang nag-iingat kaysa hintayin pang makapasok sa bansa ang naturang sakit.
Paliwanag ng opisyal na marami ring mga Chinese na dayuhan ang bumibisita sa lalawigan kaya hindi sila nagpapaka kampante sa kasalukuyan.
Nagsasagawa na rin aniya ngayon ng guidelines ang ahensya na ipapatupad bilang bahagi ng kanilang paghahanda.
Samantala, pinayuhan ni Vera ang publiko na panatilihing malinis ang kanilang katawan at gumamit ng mask lalo na kung may sipon at ubo upang maiwasang makahawa sa iba.
Maaalalang inihalintulad ng mga eksperto ang tumamang misteryosong viral pneumonia sa Wuhan City sa sakit na SARS at MERS na nagdudulot ng lagnat at hirap sa paghinga.