-- Advertisements --

NAGA CITY- Nilinaw ng Department of Health (DOH)- Bicol ang pagkaantala ng mga test results ng COVID-19.

Sa inilabas na impormasyon ng ahensiya, napag-alaman na mayroon lamang dalawang laboratoryo na accredited ng RITM na nagsasagawa ng COVID-19 testing sa Rehiyon, ang Bicol Regional Diagnostic and Reference Laboratory (BRDRL) sa Legazpi City na gumagamit ng RT-PCR test at ang Bicol Medical Center (BMC) Testing Center sa Naga City na gumagamit naman ng PCR based GeneXpert Test.

Kung saan ang BRDRL ay nakakagawa ng 380 hanggang 480 test sa isang araw gamit ang automated extraction machine habang ang BMC Testing Center naman ay nakakagawa ng 40 -60 test sa isang araw.

Napag-alaman na sa pagtatala, ng naturang ahensiya, nasa 381 lamang ang bilang ng pinakamataas na naisasagawang pagsusuri ng BRDRL sa isang araw habang ang BMC naman ay nasa 88 lamang.

Ayon pa dito, malaking tulong sana ang naturang mga laboratoryo sa pagsugpo sa patuloy na kumakalat na virus ngunit may ilang mga problema rin ang naitatala resulta ng pagkaantala sa pag proseso ng mga specimen at paglabas ng mga test results.

Sa ngayon, ang dating 48 hours o dalawang araw na ibinibigay na resulta ay inaabot na ngayon ng halos limang araw o mahigit pa.