-- Advertisements --

Kinumpirma ng Department of Health (DOH) na tumataas ang bilang ng mga COVID-19 patients na dinadala sa mga ospital.

“We have been receiving reports na mayroon talagang pagtaas ng mga numero ng mga pasyente sa mga ospital for COVID-19 cases,” wika ni DOH Spokesperson Maria Rosario Vergeire sa isang public briefing.

Ayon kay Vergeire, nagpatawag na raw ang kagawaran ng pulong sa pinuno ng ilang mga ospital upang talakayin ang pagsirit ng mga na-a-admit na pasyente.

Inilahad ng Philippine General Hospital na pagsapit ng katapusan ng Pebrero at pagdating ng Marso ay biglang pumalo sa higit 100 kada araw ang dinadala sa kanila dahil sa COVID-19.

Sa mga sangay naman ng St. Lukes’ Medical Center sa Taguig at Quezon City, lumobo sa 60 hanggang 65 naman ang na-a-admit kada araw.

Sa tingin ng OCTA Research Group, dumarami ang mga kaso ng COVID-19 sa ilang lugar bunsod ng mga bagong variant.

Ngunit nanindigan ang DOH na mahirap pa itong sabihin sa ngayon.

“Oo may variants na na-detect pero ang kailangan natin isipin is we did not comply to the health protocols. So kung nakikita natin na tuloy-tuloy ang non-compliance, definitely tataas ang mga kaso. And the variants are just aggravating factors,” katwiran ni Vergeire.

Under control naman din aniya ang sitwasyon at nakapaghanda na rin ang mga ospital.