-- Advertisements --

Pinaalalahanan ng Department of Health ang publiko na maging maingat dahil na rin sa mga influenza-like illness na kumakalat ngayon dulot na malamig na panahon.

Una nang sinabi ng state weather bureau na inaasahan magtatagal ang malamig na panahon hanggang sa huling bahagi ng buwan ng Pebrero.

Ayon sa ahensya, nagsusulputan talaga ang mga flu-like illness tuwing sasapit ang malamig na panahon.

Sa tuwing malamig ay nagbabago ang respiratory tract ng isang tao. Kahit walang presensya ng anumang uri ng virus o bakterya , nagkakaroon ng irritation ang daanan ng hangin sa katawan ng tao dahil sa moisture content ng hangin.

Sa isang pahayag ay sinabi ng Department of Health na sa kabila ng malamig na panahon ay walang upward trend ng influenza-like cases.

Ito ay sa kabila ng mga naitatalang bilang ng indibidwal na nagkakaroon ng sipon, lagnat at pananakit ng katawan.

Batay sa datos , aabot pa lamang sa mahigit limang libo ang mga naitatalang influenza-like cases sa bansa mula pa noong Enero 18.