-- Advertisements --

Inabisuhan ng Department of Health-Cordillera Administrative Region (DOH-CAR) ang publiko na iwasang dumalo sa mga pagtitipon at festivals kapag hindi maganda ang pakiramdam upang maiwasan ang paghawa ng sakit o impeksiyon.

Sa inilabas na advisory ng ahensiya, sinabi nito na bilang bahagi ng paghahanda para sa festival season sa Cordilleras, inaasahan ng rehiyon ang pagtaas ng public mobility at mass gatherings kasunod ng pagbuhos ng mga turista at mga bisita.

Kaugnay nito, mas malaki ang tiyansa ng posibleng pagkalat ng nakakahawang mga sakit.

Kayat maigting na hinihimok ng ahenisya ang lahat na obserbahan ang health reminders para sa ligtas at malusog na festivities.

Ayon kay Jenee Austria, Communications Management Unit (CMU) chief ng DOH-CAR, isang malaking factor ang kalinisan lalo na sa personal na lebel sa paghahanda ng pagkain para mapigilan ang pagkalat ng sakit.

Aniya, dapat din na maging maingat ang publiko kapag nakakasalamuha ang mga bata, buntis, matatanda at iba pang immunocompromised individuals.

Kapag kinakailangan aniya, magtungo lamang sa pinakamalapit na healthcare provider para sa karagdagang medical attention.

Ginawa ng ahensiya ang paalala sa gitna ng pagsisimula na ng inaabangang taunang Panagbenga Festival sa Baguio city sa Pebrerong kasalukuyang taon.