Dumipensa si Philhealth Board of Directors chairperson at Department of Health (DOH) Secretary Ted Herbosa sa mga nagsasabing walang pondo ang health state insurer sa 2025.
Ayon sa kalihim, mayroong pondo ang Philhealth para sa susunod na taon kung saan napakalaki ng inaprubahang budget ng Board ng Philhealth na nasa P284 billion.
Paliwanag pa ng kalihim na ang subsidiya mula sa gobyerno ang nawala. Matatandaan nga na sa paghimay ng bicameral conference committee sa 2025 General Appropriations Bill, walang inilaang subsidiya para sa Philhealth sa susunod na taon dahil mayroon pa itong P600 billion reserve funds.
Liban pa dito, sinabi din ni Sec. Herbosa na ngayong 2024 nasa 63% ang utilization rate ng Philhealth sa perang inilaan ng pamahalaan para sa mga benepisyo kung kayat may P150 billion surplus budget pa ang Philhealth para masaklaw ang subsidiya para sa indirect members nito.
Kayat huwag aniyang maniniwala sa mga nababasa online na walang pondo ang Philhealth dahil ito ay mali.
Kaugnay nito, sinabi ni Sec. Herbosa na mas malaki ang P150 billion surplus budget kumpara sa P74 billion na subsidiyang hinihiling ng Philhealth para sa kanilang indirect contributors.
Kayat kaya aniyang matustusan ang lahat ng mga benepisyo ng mga miyembro at walang mawawalang benepisyo. Ang mga nananakot lang aniya at nanga-agitate ang nagsasabing mawawala ang benepisyo ng PhilHealth.